ANG DPKK SA KATEDRAL PAROKYA NI SAN PABLO UNANG ERMITANYO

Saint Paul the First Hermit Cathedral


Ni: Sis. Baby G. Hidalgo
DPKK Coordinator, Cathedral Parish of St. Paul the First Hermit

Ang Dalaw Patron sa Kapitbahayang Katoliko o DPKK ay inilunsad sa ating Diyosesis sa pamamagitan at pamumuno ng ating Kgg. Na Obispo Buenaventura M. Famadico noong Pebrero, taong 2016. Sa kadahilanang noong mga panahong iyon ay may isinasagawa ring 2-taong gawain ang aming Parokya sa pamumuno at konsepto ng aming dating Kura Paroko Reb. Padre Jerry E. Gaela, na kung tawagin din ay Dalaw Patron, hindi kami agad nakatugon sa gawaing ito ng Diyosesis. Amin munang tinapos at isinagawa ang mga naka schedule pang mga Barangay at lugar na dapat bisitahin. Ito ay isinasagawa 2 beses isang linggo, tuwing Martes at Huwebes mula sa ika-4:00 ng hapon kung saan ang aming Kura noon ay si Padre Jerry E. Gaela at mga kasamang Pari ng Parokya, simula kay Padre Celso Gaela at Padre Ernani Carillo ng unang taon ng gawain at nina Padre JL Calampiano at Padre Alex Pontilla ng ikalawang taon Kabilang ang mga Paring Religioso at ganun din ang ating mahal na Obispo Ben Famadico, Msgr. Alex Amante at Reb. Padre Rey Hayag sa nakakasama namin sa gawain ito. Mga 60 bahay o higit pa ang nadadalaw ng hiwahiwalay na grupo dala dala ang imahen ng San Pablo Unang Ermitanyo. Kinukumusta ng mga Pari ang mga pamilyang dinadalaw, nagdarasal kasama sila at nagiiwan ng larawan ng ating Patron bago magpaalam. Pagkatapos noon ay magtitipon tipon sa isang angkop na lugar para ganapin ang Banal na Misa sa ganap na ika-7:00 ng gabi kasama ang lahat ng kaparian, layko at ang mga pamilyang dinalaw. Isang payak na hapunan ang kasunod na pagsasalo-salohan ng lahat. Noong mga panahong iyon ay kasama pa ng Katedral ang mga Barangays na nasasakupan ngayon ng bagong Parokya ang St. Luke the Evangelist Parish, ang San Lucas 1 at 2, San Pedro, Dolores, San Buenaventura at Sta. Catalina. Isang maganda at napakaepektibong gawain upang maipadama sa kanila na sila ay kabahagi ng ating simbahan. Sa pamamagitan din nito ay nalalaman din ng mga Pari ang mga problema at pangangailangang ispiritw ng bawat pamilya.

Nagbibigay din ang Katedral ng Pamaskong Handog mula sa offers ng mga maninimba ng mga Barangay chapels at ng Katedral at tumutulong din ito sa mga pangangailangan ng bawat isa.  Kalagitnaan ng 3rd quarter taong 2016, nagpatuloy ang aming pagtugon at paglahok sa DPKK. Sa pamamagitan ng 2 Coordinators na itinalaga ng aming Kura, si Sis. Linda Alcos at ako, isinagawa namin ang pagbuo ng mga cluster families. Umaattend kaming 2 ng mga orientations, meetings, quarterly Diocesan General Assembly sa pamumuno ng DPKK Director nuon Reb. Padre Thor Villacanlos at nakikipagugnayan lagi kay Sis. Yvette Chozas ng Pastoral office. 17 Barangay chapels at 10 Barangay sa Poblacion ang aming sinimulang trabahuhin. Nakakatuwa ang nagging resulta at nakapagtipon kami ng mahigit na 1,500 mga pamilya. Patuloy ang magandang daloy at paglago nito. Binibisita namin ang mga clustered families at dinadalhan ng mga Prayer Booklets buwan buwan. Noong 2019 halos katapusan ng Abril ay inihiwalay na ng Diocese ang ilang Barangays na nasasakupan ng Katedral at itinatag ang ngayon ay St. Luke the Evangelist Parish. Kaalinsabay nito ang pagpapalit ng aming Kura si Msgr. Jerry Bitoon. Isang pagkakataon ay ipinatawag niya ako at kinumusta ang DPKK. Sinabi ko ang lahat ng kaganapan at naulit ko ring medyo nananamlay na ito at maraming kadahilanan ang inilatag ko sa kanya.

Sa gitna nito, upang maging patuloy ang ugnayan ng Simbahan sa mga tao, inilunsad ni Msgr. Jerry ang “Dalaw Maria” kung saan nakatuon ang gawaing ito sa ating Inang Maria, Ina ng Diyos. Naging maganda rin ang resulta nito sa pakikipagtulungan ng mga organisasyong pangsimbahan. Patuloy ang mga gawain sa pamumuno ng aming napakasipag na Kura Paroko. Samantala naging maayos naman ang transition ng paghiwalay ng mga Barangay ng St. Luke the Evangelist Parish.

Marso 2020 dumating ang pandemic, Covid-19. Tuluyan ng nanamlay ang aming DPKK sa kadahilanang ang nakararami sa aming miyembro ay mga Senior Citizens. Napakahirap gumalaw dahil lockdown at curfew pa. Ganun pa man hindi tumitigil ang aming butihing Kura Paroko Msgr. Jerry sa pagtupad ng mga gawain sa simbahan. Hindi naging sagabal ang pandemic sa pagnanais niya sampu ng kanyang mga katuwang na Pari Reb. Padre Rommel Cacayorin at Reb. Padre Rommel dela Cruz, na makatulong higit sa lahat sa mga nasa laylayan na miyembro ng DPKK.

Dumating ang tulong mula sa Archbishop of Manila, at ang DPKK Coordinator at ilang kasama sa pamamahala ni Reb. Padre Rommel Cacayorin ang naatasan ng aming Kura na magsaayos at mamahagi nito. Sa halip na ipamigay ang tseke, ang ginawa namin ni Padre Rommel ay ipinamimili ito ng mga bigas at lahat ng commodities tulad ng mga kape, gatas, de lata, tinapay, sabon at iba pa. Iniimpake namin at ipinamimigay sa mga higit na nangangailangan tulad ng mga nakatira sa tabing-ilog, ilalim ng tulay at ibat-ibang lugar sa may riles ng train. Sa ganitong paraanmas marami ang mabibiyayaan. Patuloy ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng aming Kura. Maraming beses din kaming nabiyayaan ng Office of Civil Defence na pinamumunuan ni Madam Olive Luces ng mga 100 kahon ng isda at pusit na ang kahon ay may laman na tumitimbang ng mga 10 kilo o higit pa depende sa isda.  Ito ay sinusundo ni Padre Rommel Cacayorin nuong una at nitong huli ay ang aming bagong Parochial Vicar na si Reb. Padre Dennis Millano, sa Batangas, Sta. Cruz o Tayabas ng hatinggabi at dadating sa Parokya ng bago mag-umaga. Ipinamamahagi rin namin ito sa mga Barangay na higit na nangangailangan. Binabahaginan din naming ang mga personnel at staff ng Katedral, mga maintenance, cooks, driver, parking boys at candle vendors. Ganun din binabahaginan din namin ang mga iba’t ibang Religious Institutions, tulad ng Carmel, Holy Face, Oath, Lihm, MCST, St. Peters College Seminary, MF, Alagad ni Maria, Bahay Pag-ibig at St. Martin de Porres Kids Home.

Sa pamamagitan din at sa pagkilos ni Monsi Jerry kami ay nabiyayaan din ng Rotary International ng 90 sako ng bigas na ipinamahagi namin kasama ang mga opisyales at miyembro ng nasabing organisasyon sa mga depressed areas ng ating Lunsod.  Sa panahon ng pandemya patuloy pa ring kumikilos ang DPKK sa pamamagitan ng pagtulong sa simbahan sa pamamahagi ng mga ayuda sa mga mahihirap. Bagamat hindi na nagaganap ang mga lingguhang pagsasama-sama at pagdarasal ng mga clustered families, sila naman ay nakukumusta ng aming mga Pari tuwing namamahagi ng ayuda. Nuong medyo maluwag na ang sitwasyon, ang mga DPKK Cluster Heads at mga miyembro ay sumasama at nakikiisa sa mga gawain ng Katedral tulad ng “Dawn Procession” sa unang Sabado ng buwan at “Alay” sa buwan ng Mayo at iba pa.

N0ong nakaraang taon inilunsad ng Diyosesis ang “Handog Kalinga” at dito muling gumalaw ang DPKK sa pagpapaganap ng Handog Kalinga Lugaw Feeding at ng Community Pantry. Halos 2 magkasunod na Linggo na ito ay isinasagawa sa Katedral ngunit sa naisin ng aming Kura sa marami ang mabahaginan, ito ay ginawang Mobile Community Pantry kung saan kami ang pumupunta sa iba’t-ibang lugar, kasama ng DPKK sa gawaing ito an gaming Parochial Vicar Padre Dennis Millano at si Reb. Lawrence, Reb. Ricky, na ngayon ay parehong ganap ng Pari at ang 2 madre ng MCST na ina Sr. Luisa at Sr. Lorena.

Lubos kaming nalulugod sa muling pagbangon ng DPKK, isang makabuluhang gawain, ang “Flagship” ng ating mahal na Obispo. Sa pagkakataong ito nais naming magpapasalamat kay Reb. Padre Boyet Siddayao, kay Bro. Rey Sotelo, na kanyang kaakbay sa gawaing ito, sa kanilang matiyagang pagkilos, pagtutok at paggabay upang muling maibangon ang DPKK. Sa huli nais ko ding magpasalamat sa aming Rektor at Kuro Paroko at sa mga kasamang Pari ng Katedral sa kanilang pagsuporta sa akin,… sa amin,… sa mga gawain ng DPKK at ang mga miyembro nito na nasa laylayan ng ating lipunan. Nakatutuwa po na ipinadarama ninyo sa kahit paanong paraan na silang lahat ay ating kapatid at kabahagi ng ating Simbahan.

Maraming Salamat po!…
Mabuhay ang DPKK!…

Scroll to Top