Ang Misyon ng DPKK at si San Martin De Porres

San Martin De Porres Parish - San Pedro Laguna

Ni: Teresita Mella – Bise Presidente (Adelina 1 BEC)

Ang pandemya ng COVID-19 ay nagdulot sa tao ng takot: bumagal ang ekonomiya, huminto ang transportasyon, napuno ang mga ospital ng mga maysakit, at nagsara ang mga simbahan. Pagkatapos ng dalawang taon, unti-unting bumalik sa dati ang pamumuhay. Dahil dito, ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay nanawagan sa mananampalataya na bumalik sa mga simbahan upang doon ay magsimba. Ngunit mayroon pa ring mga tao na may agam-agam pang bumalik sa simbahan dahil sa takot sa COVID-19.

Ang Parokya ng San Martin de Porres, sa pangunguna ni Reb. P. Nestor Edrozo Jr, Kura Paroko, ay hinarap ang hamon na ipanumbalik ang sigla ng simbahan lalo na at pati ang mga gawain ng mga organisasyon ay natigil. Gayundin, isang hamon ang mahikayat ang mga parokyano na bumalik sa simbahan upang dumalo ng Banal na Misa.

Kaya noong ika-24 ng Setyembre, 2022, pinatawag ng kura paroko ang Adelina 1 BEC, Catholic Women’s League, at Apostolado ng Panalangin upang pag-usapan ang muling paglulunsad ng Dalaw Patron sa Kapitbahayang Katoliko (DPKK) sa nasasakupan ng parokya.

Sinimulan ang DPKK ng Adelina 1 BEC sa pamamagitan ng paglulunsad ng isang cluster sa Adelina 1. Sa pagpapatuloy ng DPKK ay nakapagtatag pa ng karagdagang apat (4) na clusters, isang indikasyon ng pagyabong ng DPKK.

Ito ay naging daan upang maibahagi at maipaalam sa mga parokyano ang mga programa ng parokya, maanyayahan ang mga pamilya na maging sponsor sa Banal na Misa, mahikayat sila na makibahagi sa fund-raising projects ng parokya, at marami pangiba. Dahil sa pagyabong ng pananampalataya, hindi nagtatapos sa pagdarasal ang mga gawain sa DPKK. Ito ay sinamahan na rin ng mga kawanggawa tulad ng feeding program at pagdalaw sa mga maysakit na ang huwaran at inspirasyon ay walang iba kundi ang pintakasing si San Martin de Porres na nagpapahalaga sa mga mahihina, maysakit, nagugutom, at salat sa buhay.

ANG PAGDALAW SA MGA MAYSAKIT AT MAHIHINA

Nagsagawa ng survey ang mga Area Coordinators ng mga may sakit at matapos nito ay isinagawa ang pagdalaw noong ika-8 ng Oktubre, 2022 kung saan ay dinalaw ang dalawampung(20) maysakit at labinlima(15) naman noong buwan ng Disyembre. Sila ay kinumusta, ipinagdasal, at pinagkalooban ng gift package na ang laman ay prutas, juice, tinapay, gatas, oatmeal, rosaryo, istampita ni San Martin de Porres, get well card, at kung minsan, ay may kasamang cash. Muli silang dinalaw noong buwang Pebrero sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.

Labis ang kasiyahan ng mga dinalaw dahil nadama nila na sila ay inaalala ng simbahan at nagpaabot ng kanilang taos-pusong pasasalamat. Palagi rin sila ipinagdarasal sa novena ng Divine Mercy Apostolate at Friends and Devotees of St. Martin de Porres.

PROGRAMA SA PAGPAPAKAIN NGA MGA BATA

Ang DPKK ay nagsagawa rin ng pagpapakain sa mga bata sa Adelina l Elementary School. Ito ay ginawa sa pakikipag-ugnayan sa Principal para sa mga batang pumapasok sa eskwela na hindi sapat ang pagkain sa agahan. Nagsimula kami noon buwan ng Pebrero 2023 sa 25 mga bata. Ito ay nasundan pa ng mga sumunod na buwan at nadagdagan pa ang dami ng mga batang pinakain ng agahan hanggang Hulyo 2023, buwan ng pagtatapos. Ang parokya ay binigyan ng Certificate of Appreciation ng DepEd, Adelina l Elementary School dahil sa gawain na ito. Ang mga programang Dalaw sa Maysakit at Mahihina at Feeding Program ay sama-sama pinagtutulungan ng mga organisasyon ng Adelina l BEC, Divine Mercy Apostolate sa pamumuno ni Norma Vallejo, Friends at Devotees of St. Martin sa pamumuno ni Siony De Guzman.

STREET MASS

Ang Parokya ng San Martin de Porres ay nagsasagawa ng Street Mass sa mga araw ng Martes at Huwebes maliban na lang ng buwan ng kwaresma, Nobyembre hanggan Enero, upang mapayabong ang debosyon sa Patron at mailapit ang simbahan sa mga parokyano. Malaki ang ginagampanan papel ng DPKK dito sa pagbahaybahay ng mga pamilya upang dumalo sa Banal na Misa. Dagdag pa ang paghahanda ng lugar, tent, upuan, at ibang gamit. Nakakatuwang pagmasdan na marami ang tumatangkilik sa Street Mass.

Sa pamumuno ng amin masipag na Kura Paroko, Fr. Nestor Edrozo, Jr., at suporta ng Parish Pastoral Council (PPC) sa DPKK, marami pa ang pamilya mararating ng programa.

 

ADELINA I BEC COORDINATORS

Area l – Carmela Musni

Area 2 – Amabel Pelagio andSusan Macoy

Area 3 – Amparo Diaz and Sionyde Guzman

Area 4 -Teresita Mella at Analiza Daguro

Area 5 – Nimcy Marciano at Felomina Cabulong

Area 6 – Herminia Torremoro

Area7 – Alice Laguna


Scroll to Top