Saint Mary Magdalene Parish

SMMPchurch (resized image)

Location

Looc, Calamba City, Laguna

Priest Name

Rev. Fr. Robin A. Dagala

Assistant Priest Name

KASAYSAYAN NG SAINT MARY MAGDALENE PARISH, LOOC

Bago pa man dumating ang mga Hapon, mayroon nang kinamulatan ang mga matatandang taga Looc ng isang lugar na kinatitirikan ng isang maliit na tuklong. Ang tuklong ay katumbas ng isang maliit na kapilya noong panahong iyon. Ayon sa mga nakasaksi, ang lugar na kinatitirikan ng simbahan ay halos walang nabago sa kanyang kinatatayuan. Ang kayarian ng kapilya noong panahong bago pa dumating ang mga Hapon ay halos pinagsanib na ilang piraso ng yero ang bubong at wala pang dingding. Ang lugar ng kapilya ay nagsisilbing hapunan ng mga baka, kalabaw at kabayo ang palibot nito. Sa pagdaan ng mga panahon, unti-unting nagbago ang anyo ng kapilya: may bubong na yero, may mababang dingding na hollow block at sawali. Bago pa dumating ang mga Hapon, pinagdadausan ang kapilya ng Misa sa panahon lamang na may okasyon.

Ayon sa kasaysayan, ang Mayo 6 ay buwan ng pasasalamat dahil ang mga tao na lumikas dahil sa takot na ipapatay ng mga Hapon ay nagbalikan sa Looc. Nang dumating na ang mga Amerikano ay nagapi ang mga Hapon sa digmaan. Ang kapilya ay nanatili sa kinatatayuan matapos ang digmaan. Ang imahen ng Santa Maria Magdalena ay naging patrona ng Barangay Looc dahil ayon sa kasaysayan, maraming mga imahen ang nakalagak sa malaking simbahan sa bayan ng Calamba: ang Parokya ng San Juan Bautista. Ang mga imahen ay ipinamahagi dahil maraming nasira sa istraktura ng parokya sa digmaang Hapon laban sa Amerikano. Ang imahen ng Santa Maria Magdalena ang tanging naiwan at ipinagkatiwala at ipinadala kay Gng. Juana Realon para ingatan dahil sa siya ay isang matandang dalaga at isang tunay na mananampalataya na taga Looc.

Si Gng. Juana Realon ang naging instrumento na mag-ingat ng imahen para dalhin sa Barangay Looc. Ang pari ng panahong iyon ay si Padre Eliseo Dimaculangan. Sa pamamagitan ni Gng. Realon, dinala ang imahen sa kapilya kasama ang mananamba para magdasasal at mag novena tuwing hapon sa araw ng Miyerkules. Ang imahen ay inuuwi at inahahabilin kay G. Gerardo Mane dahil malapit ang kanilang tahanan sa kapilya lalo na kung tag-ulan.

Nagpatuloy ang kasaysayan at unti-unti nang lumalaki ang kapilya sa pangunguna ni Sis. Connie ‘Siony’ Realon, na ngayon ay madre na, kasama ang kanyang mga kaibigan. Naglingkod siya sa simbahan bilang pinuno ng itinatag na Mini Pastoral Council ng mga taong 1960 – 1970 hanggang sa naging simbahan na ang tawag. Ang kapilya na naging simbahan ay pinagdarausan lamang ng Misa kung may okasyon gaya ng piyesta, Pasko at kung may ikakasal.

Sang-ayon naman kay G. Enrique Garcia, siya ay ikinasal sa simbahan ng Looc noong March 1956. Ang kayarian ng simbahan na kanyang inabot ay may bubong na at ang dingding ay mababang hollow blocks at sawali. Ang sukat ng lupa ay mahigit kumulang sa 100sq. meters. Ang pari na nagkasal sa kanya si Padre Eliseo Dimaculangan.

Mga taong 1970, hinangad na muling  palakihin ang simbahan dahil sa paglago ng mga mananampalataya. Muling pinalaki ang simbahan sa pagtutulungan ng mga mananampalataya kasama ang pamunuan ng barangay na ang Kapitan del Baryo noon ay si G. Eduardo Tanyag. Sa pagtutulungan, naisagawa ang pinalaking simbahan.

Ang taong 1972 ay napakahalaga sa kasaysayan ng simbahan ng Looc dahil ito ay napabilang sa nasasakupan ng Parokya ng San Pedro at San Pablo Apostol sa Barangay Aplaya / Lingga ng ito ay maging isang ganap na parokya. Nagsimulang magkaroon ng regular na Misa tuwing Linggo ng hapon at ang pari ay galing sa Aplaya. Ang mga paring nagsagawa ng Misa sa simbahan ng Looc bago pa naging parokya ay pinasimulan nina Rev. Fr. Domingo Yabut [deceased] [July 1, 1972 – June 1981), Rev. Fr. Jose S. Zoleta [deceased] (June 1981 – August 1987), Rev. Fr. Mariano A. Villamir [deceased] (August 6, 1987 – August 15, 1987), Rev. Fr. Danilo V, Fernando [deceased] (November 1, 1987 – July 15, 1988), Rev. Fr. Mariano Villamir [deceased] (July 15, 1988 – February 22, 1992), Rev. Fr. Fernan Galla [Guest Priest] (February 1, 1992 – February 22, 1992), Rev. Fr. Edgardo Consignado (March 1, 1992 – January 1997), Rev. Fr. Ronel S. Landicho (January 12, 1997 – August 23, 1999), Rev. Fr. Rodolfo M. Lorico (August 23, 1999 – January 6, 2003).

Si Rev. Fr. Rodolfo M. Lorico ang naging instrumento na mangarap na gawing isang parokya ang simbahan ng Santa Maria Magdalena. Ang obispo ng panahong iyon ay si Kgg. Obispo Francisco San Diego D.D. Unti-unti ay pinauunlad ang iba’t ibang samahan sa simbahan. Meron na noong mga namumuno sa itinatag na Mini Pastoral Council. Pangunahing namuno si Ret. Col. Fausto Muya [deceased] sa pagsasaayos sa mga kailanganin para maging isang ganap na parokya ang kapilya at sa pagtutulungan ng mga mananampalataya, ay naisaayos ang mga dokumentong kinakailangan.

Ika-1 ng Enero 2003, ang munting kapilya ay naging simbahan na itinatag bilang Saint Mary Magdalene Parish sa Brgy. Looc, lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna sa pamamagitan ng Kgg. Obispo Francisco San Diego, D.D. ng Diyosesis ng San Pablo. Ang mga kontribusyon ng mga kaparian mula taong 1972 – 2003 ay may kanya-kanyang katangiang handog mula sa Diyos. Ang iba’t ibang samahan na naitatag ay mas higit na lumago sa patnubay at gabay ng mga paring instrumento ng Diyos. Dumating si Rev. Fr. Rico de Vera ang kauna-unahang kura paroko ng maging ganap na parokya ang simbahan noong ika-1 ng Enero taong 2003.

Muling pinangarap ng mga mananampalataya na mas palakihin pa ang simbahan kaya noong taong 2006 matapos ang mga konsultasyon at mabuo ang plano, muling inumpisahang itayo ang pinalawak na simbahan matapos itayo ang mga haliging poste ng bagong simbahan. Nagkaroon ng bubong at mga dingding ang mga pinalawak na simbahan. Kumilos ang iba’t ibang samahan ng simbahan at mga mananampalataya hanggang sa ibayong lugar upang magtulong-tulong na tapusin ang napasimulang simbahan. Natapos ang termino ni Rev. Fr. Rico de Vera na may naiwan pang mga pagawain.

Dumating noong ika-17 ng Enero 2007 si Rev. Fr. Erwin Sanchez at itinalaga ni Kgg. Obispo Leo M. Drona, SDB D.D., bilang ikalawang kura paroko ng parokya. Itinatag niya ang Parish Working Committee at Parish Finance Committee. Sa pagtutulungan ng mananampalataya at iba’t ibang samahan, mga tulong pinansyal at panalangin hanggang sa ibayong lugar ng bansa, ipinagpatuloy ni Fr. Erwin ang mga naiwan pang mga gawain sa pagsasaayos ng simbahan.

Maraming naisagawa na dapat ayusin ang nagkaroon ng kaganapan sa panahon ni Fr. Erwin: ang kisame, ang tiles, ang altar at mga salamin at bintana na nakapalibot sa simbahan ay naayos lahat. Ang harapan ng bakod ay naisaayos din. Nagkaroon din ng maayos na opisina at sakristiya na pinasimulan sa panahon ni Fr. Rico ay natapos sa panahon ni Fr. Erwin sa loob ng 4 na taon. Natapos ang mga pagawain noong ika-30 ng Abril 2011. Natapos ang pamumuno ni Fr. Erwin noong January 2013. Dumating at pinalit kay Fr. Erwin si Rev. Fr. Mariano “Marvi” Villamir noong January 2013. Ipinagpatuloy ni Fr. Mariano ang paglilingkod bilang kapalit ni Fr. Erwin.

Noong panahon na iyon nagkaroon ng paglilipat ang mga kaparian sa pangunguna ni Kgg. Obispo Buenaventura Famadico. Si Fr. Marvi ay panandalian lamang naglingkod sa parokya matapos niyang hilingin na maibalik sa dati niyang parokya sa Alaminos dahil sa tinataglay niyang karamdaman at pinahintulutan naman ito ng mahal na obispo. Nailipat at bumalik si Fr. Marvi noong August 31, 2013 sa dati niyang parokya. Sa pagkakataong iyon, naitalaga si Rev. Fr. Conrado J. Rodriguez. PhL noong September 2, 2013 bilang ikaapat na kura paroko ng parokya.

Si Fr. Conrad ay isa sa mga bumubuo ng formator o nagtuturo sa Saint Peter’s Seminary sa mga seminarista na nagnanais maging pari. Ang Saint Mary Magdalene Parish ang unang parokya na hinawakan ni Fr. Conrad. Sa umpisa pa lamang ay kinakitaan na siya ng taglay niyang mga katangian upang mas higit na paunlarin at ipagpatuloy ang mga nasimulan ng mga nagdaang kaparian. Kinakitaan si Fr. Conrad ng isang malalim na bokasyon bilang isang pari sa mga hangarin at naisin para sa kanyang mga planong gawin sa espirituwal na buhay ng mga mananampalataya. Hindi doon nagtatapos dahil sa kanyang mungkahi na palakihin ang altar, ito ay napagkaisahan na maisagawa. Pinalawak at pinaganda ang altar ng simbahan sang-ayon sa mga kailanganin isinasaad sa disenyo ng istraktura na may kapahintulutan ng obispo ng Diyosesis ng San Pablo.

Sa pangunguna ni Fr. Conrad, hinangad niya na maging yari sa bricks ang disenyo ng altar at sa iba’t ibang bahagi ng simbahan. Halos mahigit isang taon ang tuloy-tuloy na pagawain sa tulong ng mga kaibigang malapit kay Fr. Conrad at mga mananampalataya. Ang tulong pinansyal at panalangin ay naging matagumpay sa tulong-tulong ng mga mananampalataya at kalooban ng Diyos. Nagkaroon din ng pagbabago sa kumbento ng pari. Ang kabuuan ng sakristiya ay nagkaroon din ng pagbabago at maayos na naipatapos.

Natapos ang pagpapagawa ng altar at makikita ng bawat makakasaksi ang kaayusan at ningning ng altar. Mararamdaman ng bawat isang makakakita ang solemnidad ng pagkagawa ng bagong altar. Masasabi na napakaganda ng bagong altar na yari sa bricks na kasama ang mga haligi na binabalutan din ng mga bricks. Marami ding inayos sa itaas at ilalim ng sakristiya na kung saan nagkaroon ng New Saint Joseph Hall sa basement na puwedeng pagdausan ng mga meetings, conference, Misa at multipurpose hall. Ipinaayos ang palikuran at ang mga materyales na ginamit ay maayos at matataas na uri ng sangkap. May dalawang bago na imahen na nasa harapan ng bagong altar. Ang mga sound system ay ipinaayos at nasa maayos na kalagayan. Naipatayo din ang side altar sa loob ng simbahan na siyang naging dambana ng patrona na si Santa Maria Magdalena. Ang mga naisagawa ni Fr. Conrad sa kanyang pagiging kura paroko ay magsisilbing regalo mula sa Diyos at alaalang kanyang naihandog. Bilang pagtatapos sa mga haliling lingkod ng Diyos sa parokya ay agad na makadarama ng biyaya dahil masasabi na ang mga mananampalataya ng Saint Mary Magdalene Parish ay ang tunay na tagapaglingkod at sumusunod sa mga taga pastol na sugo ng Poong Maykapal.

Purihin ang Panginoon!

Mass Schedule

Sunday Time: First Mass - 7;00 am Second Mass - 9;00 am Third Mass - 5;00 pm
Monday Time: 7;00 am
Tuesday Time: 5;00 pm
Wednesday Time: 7;00 am
Thursday Time: 7;00 am
Friday Time: 7;00 am
Saturday Time: 7;00 am

Featured Video

Gallery

Bank Transfer

Money Transfer

Donation QR Codes

Online Mass

Scroll to Top