KAPISTAHAN NI SAN ISIDRO LABRADOR, GINUNITA

ddddd

Kapistahan ni San Isidro Labrador sa Calauan, ginunita

ni: Anna Diana Mole

CALAUAN, Laguna – Daan-daang mananampalataya ang dumalo sa pagdiriwang ng banal na misa para sa Dakilang Kapistahan ni San Isidro Labrador sa Calauan, Laguna noong ika-15 ng Mayo, 2023.

Pinangunahan ni Bishop Emeritus Leo M. Drona ang banal na misa at binigyang diin niya ang kahalagahan at kontribusyon ng mga manggagawa na gaya ni San Isidro Labrador sa ating bansa. Kasama ding nagdiwang ng misa ang ilang kaparian mula sa ibang parokya.

“Nais kong ipabatid sa inyo na ang dahilan ng simbahan para ipakilala si San Isidro sapagkat napakarami niyang halimbawa. Siya ay trabahador sa bukid at inuupahan ng kanyang amo. Maski na ang mga manggawa ay hindi lamang yung mga nasa industriya, yung mga mangingisda ay kasama diyan. Ang mga laborers sa kalsada, maski na ang mga nagtatrabaho sa pabrika, sila ay mga dakila gaya ni San Isidro Labrador at sa simbahan para mahalin nila ang gawain o pag-gawa” saad niya sa homilya ng banal na misa.

Si San Isidro Labrador ay isang magsasaka at kilala bilang maawain sa mga mahihirap at mga hayop. Siya rin ang naging patron ng pagsasaka kung saan sa kaniya nananalangin ang mga magsasaka para sa isang magasanag ani.

Ipinagdiriwang ang kaniyang kapistahan tuwing ika-15 ng Mayo o ang araw ng kaniyang pagkamatay na pinaniniwalaan rin na panahon kung saan nagsisimula ang magandang panahon para sa mga magsasaka.

Samantala, sinabi rin ni Bishop Drona na kahit si Pope Francis ay tinitingnan ang paggawa bilang pagkakaroon ng tao ng kayamanang hindi nasasalamin sa salapi at material na bagay kundi ang kayamanang espiritwal na magpapalago sa kanila sa paglapit sa Panginoon at pagkakaroon ng ugnayan dito.

“Ang kasalukuyang Papa, si Pope Francis ay binibigyan ng malaking halaga ang paggawa, hindi ka tunay na tao kung hindi ka gumagawa. Sinasabi na ang paggawa ay mahirap at madaming iniisip, kasama na iyan sapagkat sa paggawa dyan masasanay ang tao sa mas malalim na dahilan ng paggawa , ito ay ang pagkakaroon ng kayamanang hindi pananalapi kung hindi kayamanang espiritwal. Kapayapaan ng puso, pagbibigay sa kapwa, pagiging maunawain sa mga nangangailangan, yan ang mga kayamanang espiritwal. Ang paggawa ang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng kayamanang espiritwal sa harap ng Diyos” wika niya.

Hinikayat niya din ang mga magulang at ilang naglilingkod sa simbahan na ituro sa  kanilang mga anak at mga kabataan na magkaroon ng kayamanang espititwal.

“Sa mga magulang na pinipilit na kumite ang mga anak, hindi ito ang pangunahing dahilan ng edukasyon, sa mga sisters itanim niyo sa inyong mga itinuturo ang mga bagay na espiritwal. Naituturo ang siyensya, ang teknolohiya, ang matematika ngunit dapat ang pangunahin ay ang pagtuturo ng espiritwal” banggit ni Bishop Drona.

“Kaya’t dito tiyak na huwarang halimbawa si San Isidro Labrador, isa siyang Mabuti at may simpleng buhay. Siya ay matiwasay at payapa ang buhay niya sapagkat siya ay ulirang tagasunod ng Panginoong Diyos na may gawa ng lahat ng bagay, kasama na ang pag-gawa” dagdag pa niya.

Pinaalalahanan niya rin ang bawat isa na magkaroon ng malawak na pag-iisip pagdating sa pagtatrabaho sa kaburikan at bigyang halaga ang sektor ng agrikultura.

“Maging malawak ang inyong pagtingin sa trabaho. Ang sabi ang agriculture ang syang pangunahing layunin ng Presidente, sana ay totoo. Mahalin ninyo ang pagtatrabaho sa bukid, hindi lamang sa bukid, sa pangingisda o sa industriya. Ang dangal ng paggawa ay nanunuot sa layunin ng iyong paggawa na mahalin ang Diyos, maging ang kapwa” sabi ni Bishop Drona.

Parte din ng pagdiriwang ng kapistahan ay ang pursisyon kung saan inilibot sa bayan ng Calauan ang imahe ni San Isidro Labrador kasama ang mga mananampalataya upang siya ay makita ng buong bayan.

Malaking bahagi ng bayan ng Calauan ay lupang sakahan ng palay, mais at pinya na pangunahing pinagkakakitaan ng mga mamayan. Kung kaya’t taon-taon masaya at makulay ang paggunita sa kapistahan ni San Isidro Labrador sa bayan bilang pasasalamat sa kanilang buong taon na masaganang ani.

Scroll to Top