PAGTUGON SA TAWAG NG DIYOS SA MGA MISYON NG DPKK

PAGTUGON SA TAWAG NG DIYOS SA MGA MISYON NG DPKK

Ang Dalaw Patron sa Kapitbahayang Katoliko (DPKK) ay isang paraan ng Simbahang Katoliko ng ebanghelisasyon na isinasagawa sa iba’t ibang Parokya sa Diyosesis ng San Pablo.  Noong taong 2016, Ako ay napadistino sa Southville Cabuyao.   Dito kami nagumpisang humikayat kasama ang Pari na magdalaw Patron sa Kapitbahayang Katoliko. Mahirap ang gampaning ito dahil iba ang oras at gawain bilang isang madre. Tuwing araw ng Martes kami ay buong maghapong nagtatanod sa banal na sakramento para sa mga nagmimisyon at buong araw din kaming natatanod bilang pagbabayad puri sa Diyos at pagbablik loob ng mga makasalanan.  Subalit, tinanggap ko ng buong puso ang kahilingan na magbigay ng panahon para sa Dalaw Patron sa Kapitbahayang Katoliko na akayin ang mga nasa laylayan ng lipunan at nananmalay sa kabila ng aking gampanin bilang madre. Sa gawain ng DPKK ay mas higit kong nakilala ang aking sarili. Marami ang nangangailangan ng gabay na maipaunawa sa kanila ang halaga ng buhay dito sa lupa, bilang naglilingkod sa Diyos.

Sa gawaing DPKK, dito ko naranasan ang pagsasama-sama para makipagkamustahan sa mga kapitbahayang katoliko. Marami sa kanila ang nagsasabi na sila ay hindi nagsisimba at hindi rin nagdarasal. Ngunit sa pamamagitan ng aming pag-uusap at pagsasabi nila ng kanilang mga kuru-kuro ay doon ko sila nauunawaan at pinakinggan ko muna ang kanilang mga hinaing saka ako nagsalita at sinabi ko sa kanila ang karanasang iyon ang nagbibigay lakas sa atin dahil hanggang ngayon nananatili pa rin kayo upang mabuhay ng marangal. Ang lagi kong winiwika sa kanila, “Ang mga pamilya nyo, iyon ang halaga na ginagampanan ninyo dito sa lupa, ang tawag doon ay misyon ng isang pamilya, na nagsisikap mabuhay sa panawagan ng Diyos”.

Habang tumatagal ay naging masigla ang bawat pamilya kung kaya’t sa sampung pamilya ay dito kami nagsimulang bumuo ng gampanin na sila mismo ang hahanap ng pamilyang aming luluklukan ni San Pablo, Unang Ermitanyo. At hindi nagtagal ay dumami kami. Halos lahat ng bahay sa paligid ay aming napuntahan. Doon ko nakita na naging masigla ang Kapitbahayang Katoliko dahil nakilala nila ang isa’t isa. Sila ay nagtutulungan, nagbibigayan at hindi pa doon natatapos ang mga gawain, hindi lang sa sharing kundi isinasama na rin naming ang pagdarasal kung saan may patay nga sa isang araw. Lima ang aming dinadasalang patay kung minsan. At doon nila sinasabing “Salamat po Sister Celsa” dahil palagi po kayong naririyan at tumutugon sa aming panawagan para madasalan natin ang mga namatayan. Bawat araw iniisip ko kung ano pa ang maaari kong gawin. At dito nagumpisa na magturo ako sa bawat pamilya ng pagdarasal ng Rosaryo, araw-araw.

Sa kabilang banda, kasama din sa misyong ito ang malimit na pagpapakain sa walang-wala. Dito ko naramdaman ang halaga ng buhay, na mas higit na nangangailangan ng taimtim na panalangin para sa kanila, ganon din sa mga may mabibigat na pasanin sa buhay at sa may karamdaman, at ang kahalagahan ng pagdalaw. Dagdag pa dito, ang pagdalaw kasama ang Pari upang isagawa ang Misa.  Kasama sa Gawain ng DPKK ay ang pagdalaw sa kulungan. Kapag kami ay dumadalaw sa piitan ng mga nililitis, marami sa kanila ay humihingi ng lakas at tulong na panalangin para sa kanilang naiwang pamilya, kung kaya’t higit na napakahalaga na maipalaganap ang salita ng Diyos sa labas ng Simbahan at sa mga laylayan.

Maging sa kabundukan ay aming pinupuntahan. Kasama ang Pari, kung saan may pamilyang nangangailangang abutin ng ganon, na madama nila ang salita ng Diyos na nagbibigay ng pag-ibig at habag.  Kaya’t ang hangarin ng bawat isa ay muling maibalik ang mga layko sa Simbahan upang makatulong sa Gawain ng Simbahang Katoliko gayon an Gawain ng DPKK.

Maraming Salamat po sa DPKK at sa pamumuno ni Rev. Fr. Felizardo “Boyet” Siddayao, JCD!


Scroll to Top